Pages

Thursday, May 30, 2019

DPWH binuksan ang STP ng TIEZA dahil sa baha

Posted May 29, 2019
Pansamantalang binuksan ng DPWH ang STP Project ng TIEZA sa Bolabog dahil sa naranasang pagbaha sa mga low-lying areas sa Boracay kaninang madaling-araw.

“Binutas namin ang outfall ng TIEZA dahil hindi bumababa at dumadaloy ang ang tubig ulan sa drainage”.

Ito ang pahayag ni DPWH Engr. Fritz Ruiz matapos maranasan ng ilang residente sa Bolabog at Lying Inn area na pumasok na sa kanilang mga bahay ang tubig baha dulot ng apat na oras na pag-uulan.

Dagdag pa ni Ruiz, kung hindi nila ito gagawin ay siguradong babahain ang laketown area na ayon sa huli ay barado ang drainage line sa lugar.

Marami kasing debris at mga basura na bumara sa manhole na itinapon ng mga tao kaya nilinis nila ito para humupa ang baha.

Bago nito, binaha rin ang kalsada sa laketown area noong ng Linggo ng madaling-araw.

Samantala, aminado si Ruiz na matatagalan pa bago matapos ang tatlong outfall sa Bolabog na dadaluyan ng tubig-ulan subalit pag-uusapan nila ito sa Inter Agency Task Force para magkaroon ng timeline lalo’t papasok na ang panahon ng bagyo.

Kung maaalala, ang TIEZA ay naglaan ng mahigit P1-Billion para malutas ang matagal ng problema sa baha sa Boracay.

Inaasahan na matatapos itong Phase II ng Boracay Water Drainage Project ng TIEZA bago matapos ang 2019.

No comments:

Post a Comment