Pages

Monday, April 08, 2019

LGU-Malay pinabibilis ang mungkahing itaas ang singil sa Environmental Fee

Posted April 8, 2019
Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST BORACAY NEWS DEPARTMENT

Image may contain: one or more people
(ctto)
Kinatigan ngayon ng LGU Malay ang suhestyon ni DENR Secretary Roy Cimatu na itaas ang singil sa “environmental fee” para matustusan ang gastusin sa basura ng Boracay.

Sa panayam kay Malay Acting Mayor Abram Sualog, pinapabilisan niya na maaprubahan ang pagtaas ng environmental fee sa tulong ng Sangguniang Bayan.

“I-certify ko na “urgent” itong pagtaas ng Environmental Fee” ani Sualog.

Sa kanya umanong proposal, iminungkahi nito na itaas sa P 150.00 ang singil sa bawat turista subalit sa suhestyon ni SB Committee Chairman on Environmental Protection Nenette Graf nais nito na P 500.00 ang isisingil sa foreign tourist habang P100.00 naman sa lokal na turista.

Maliban dito, iminungkahi rin ni Sualog na gumawa ng bagong ordinansa patungkol sa garbage fee na direktang sisingil sa mga establisyemento na ibabase sa dami ng basura o per kilo.

Sa ganito umanong paraan, ang ibang recyclables mula sa mga resorts ay maaaring hindi na isasama sa hahakuting basura at pwede pa nilang pagkakakitaan.

Nag-ugat ang usapin na itaas ang environmental fee matapos umabot sa P 36.8 Million ang bayarin ng LGU Malay sa garbage contractor na ECOS para sa buwan ng Enero at Pebrero ng kasalukuyang taon.

Paliwanag ni Sualog, kung nasa P 18 Million kada buwan ang ibabayad sa ECOS ay kukulangin ang pondo ng Malay kung saan nasa mahigit P 80 Million lang umano ang budget ng solid waste sa buong taon.

Hindi rin umano sapat ang koleksyon ng kasalukuyang environmental fee na aabot lang sa P 140 Million kada taon at mapupunta pa sa provincial government ang 15% nito.

Malaki umanong tulong na taasan ang “environmental fee” dahil ito ang pinagkukunan ng Malay ng pondo para magamit sa mga proyekto ng solid waste management office at para mabayaran ang contractor ng basura na ECOS.

Bagamat may ilan pang dapat ayusin sa pagitan ng LGU Malay at ECOS, ayon kay Sualog, aantayin muna nito ang evaluation at recommendation ng Commission on Audit hinggil sa bayarin at kontrata na pinasok ng LGU.

No comments:

Post a Comment