Pages

Wednesday, May 30, 2018

“Panginhas”, paraan para makakain – Boracaynon

Posted May 30, 2018
Yes The Best NEWS ---Isang buwan ang nakalipas matapos ideklara ang “Boracay Closure”, aminado ngayon ang mga residente ng isla na mahirap ang naging buhay dahil walang mapagkakakitaan.

Bagamat isang normal na tanawin sa isla ang pagpulot ng mga lamang dagat o “panginhas” , ito raw muna umano ang paraan nila para may pantawid-gutom at may ihahain sa pamilya ngayong sarado ang Boracay.

Sa Sitio Tulubhan ManonManoc, kapag low tide ay dinagdagsa ng mga tao ang dalampasigan para mamulot ng “sikad-sikad” ,“aliporos” at iba pang kabibe na nakagawian na ng mga Boracaynon noon pa man.

“Kapag hindi ka gagawa ng paraan, gutom”, sabi ni Mang Samuel na isa ring mangingisda sa lugar.

Hindi umano sapat ang tulong mula sa gobyerno tulad ng “cash for work” at ibang assistance kaya gumagawa sila ng paraan para hindi magutom.

Nitong mga nakalipas na linggo, naging eksena na tuwing dapit-hapon hanggang gabi ang pangingisda at pag-panginhas ng mga Boracaynon.

Ayon naman sa mga otoridad, pinapayagang mangisda ang mga residente base na rin sa inilabas na guidelines ng Inter-Agency Task Force na nangangasiwa ngayon sa rehabilitasyon.

Apela at panalangin ngayon ng mga residente, sana ay mapabilis ang rehabilitasyon at mabuksan ang Boracay sa madaling panahon para may pangtustos na sila sa pang araw-araw na buhay ng kanilang pamilya.

No comments:

Post a Comment