Posted July 12, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES THE BEST
Boracay
Muling umani ng
samu’t-saring reklamo ang nagpapatuloy na paghahakot ng basura mula sa
Manoc-manoc MRF patawid sa landfill ng Malay.
Sa panayam ng
himpilang ito sa mga guro ng Manoc- Manoc Elementary School, nag-umpisa umanong
umalingasaw ang amoy ng basura nito lamang Lunes kung saan may mga estudyante
nang nasuka at sumakit ang tiyan.
Dagdag pa ng
isang guro, pinipilit na lamang nila na ipagpatuloy ang kanilang klase sa
kadahilanang wala din silang magawa at hindi naman nila maaaring i-dismiss ang
kani-kanilang mga klase.
Kaugnay nito,
may mga residente rin ang nagbigay ng pahayag tungkol naman sa dumadaang truck
ng basura sa Manoc- Manoc Port Area na sana umano ay naselyuhan naman ang
basura na hinahakot nila ng sa ganun ay maiwasan ang pag-alingasaw at pagtagas
nito sa tuwing dumadaan sa kanilang lugar.
Samantala,
naglabas din ng kahalintulad na sintemyento ang mga taga-mainland Malay na sa
tuwing dumadaan ang mga truck ay hindi kanais-nais na amoy ang nalalanghap nila
doon.
Bilang sagot
naman sa mga reklamo ng publiko, ayon kay Executive Officer IV Rowen Aguirre,
ginagawa ng LGU-Malay ang lahat upang masolusyunan ang naturang usapin kung
kaya’t si Mayor Cawaling ay naroon mismo sa MRF para mamonitor ito.
Ani Aguirre,
may humigit kumulang na 55 trucks na nahahakot na basura araw-araw, at
umaalingasaw din umano ang amoy nito dahil binubungkal ito kung saan nasa 110
metrics tons kada araw ang nakukuha doon na binubuo ng Mix Waste.
Ang
walang-tigil na paghahakot ay ginagawa ngayon ng LGU-Malay pagkatapos na
tinaningan ito ng DENR-6 ng hanggang July 17 na kakasuhan kung hindi mahakot
ang lahat ng basura na nakatambak ngayon sa kontrobersyal na MRF.
No comments:
Post a Comment