Pages

Thursday, January 12, 2017

TIEZA, kinastigo sa Sangguinang Bayan ng Malay

Posted January 12, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Muling pinuna ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Malay ang aksiyong ginagawa ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) hinggil sa problema sa Drainage System sa Boracay.

Ayon kay SB Gallenero, anim na taon na nilang ini-imbitahan ang opisina ng TIEZA para pag-usapan at hanapan ng mabilis na aksyon ang problema ng mga proyekto nila sa Boracay subalit pawing representante lamang ang pinapadalo at hindi naman masasagot at maibigay ang impormasyon na dapat malaman ng LGU-Malay.

Ang usapin ay nag-ugat sa naging pahayag ni SB Member Nenette Aguirre-Graf sa nakaraang sesyon ng SB-Malay, kung saan meron umanong isang grupo na gustong mag-file ng petisyon kaugnay sa problema sa drainage sa Bolabog.

Singit ni SB Fromy Bautista, nagkaroon na ng MOA ang TIEZA at BIWC kaya dapat malaman ng LGU kung saan at ano na ang mga susunod hakbang para sa drainage project.

Sa ngayon, hindi pa rin matapos-tapos ang usapin sa illegal connection sa mga drainage sa isla kung kaya’t nagdulot ito ng panibagong pagbabanta ng online petition dahil sa pangamba na makaka-apekto ito sa dalampasigan ng Bolabog Beach.

Matatandaan na hindi natapos ng noo’y Philippine Tourism Authority at ngayo’y TIEZA ang naunang drainage project rason ng pagbabaha sa ilang lugar at kalsada sa isla.

No comments:

Post a Comment