Posted December 9, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona,YES FM Boracay
Pina-alalahanan
ngayon sa Sangguniang Bayan ng Malay ang mga suppliers ng Electric Tricycles o
E-trike sa isla ng Boracay. Ito’y may kaugnayan sa kanilang serbisyong
ibinibigay sa mga nag-o-operate nito.
Nabatid na ito
ang naging laman ng Privilege Speech ni SB Dante Pagsuguiron sa ginanap na 20th
Regular Session ng Malay nitong Martes, kung saan isang sulat ang ipina-abot sa
kanya ng mga driver- operators ng E-trike hinggil sa kanilang mga hinaing
kaugnay sa kanilang paggamit nito.
Sa nasabing
session, maliban sa Gerweiss Motors, naging bisita ang Be-Mac, Tojo, at Prozza
Hirose, upang pag-usapan ang naturang problema, at dito nga ay inisa-isa naman
silang tinanong kung ano ang kanilang ginagawang aksyon kaugnay sa naturang
reklamo.
Samu’t-saring
reaksyon naman ang ibinahagi ng mga komite sa sesyon kung saan sinabi ni Vice Mayor
Abram Sualog sa mga suppliers na huwag umano silang magtaas ng magtaas ng kanilang
presyo dahil nahihirapan umano ang mga operators na magbayad ng kanilang
kinuhang E-trike, lalo pa’t nadadagdagan pa ang kanilang gastos dito dahil
narin sa isang problema sa kanilang mga baterya.
Kaugnay nito,
kung sino umano ang hindi sumunod sa kanilang patakaran na within 6 months
dapat maayos na ang kanilang pag-operate dito sa isla ay hindi na umano ito ire-rekomenda
ng SB Malay.
Nabatid kasi na nakapaloob
sa Resolution No. 074, ang ordinansa na ang lahat ng mga magpapalit ng kanilang
franchise ay ni-re-required ng kumuha ng Electric Tricycle (E-trike) pampalit
sa kanilang pinapasadang tricycle sa isla.
No comments:
Post a Comment