Pages

Friday, March 04, 2016

Construction sa reclamation project sa Caticlan; sisimulan na pagkatapos ng eleksyon

Posted March 4, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Sa pagtatapos umano ng eleksyon sa Mayo ay magsisimula naman ang isasagawang construction sa reclamation project sa Caticlan Jetty Port.

Ito ang tiniyak ni Jetty Port Administrator Niven Maquirang sa panayam ng himpilang ito.

Ayon sa Administrator, matatapos na umano ang pagtatambak sa northern part o sa may cargo area kung saan wala na rin umanong masyadong movement ng sasakyan sa loob ng reclamation dahil sa pinapahinto na rin ito.

Sinabi din nito na ang lahat ng access na puweding gamitin sa katabi nito, ay pinapasarado na rin para maging-ligtas ang nasabing area dahil sa anumang oras umano ay maaari na silang mag-umpisa ng unang proyekto sa pamamagitan ng pagtatayo ng finger port na siyang magsisilbi para sa mga Ferry, Speedboat at Private boat, kasama na ang pagtatayo ng bagong terminal building.

Samantala, dagdag nito na kailangan munang unahin ang port para maaari rin nilang ma-accommodate ang mga bangka na mahirap makapasok sa tuwing lowtide sa kasalukuyang Jetty port.

Dagdag pa ni Maquirang na nailatag na rin ang budget para rito at lahat ay aprobado na kung saan nakatakda rin umano itong iprisinta sa Sangguniang Panlalawigan at sa mga stakeholders sa Aklan.

Ang reclamation area ay sinasabing patatayuan din ng malaking parking area, mall, hotel at iba pang mga business establishment sa loob.

No comments:

Post a Comment