Posted December 4, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay
Kasalukuyan parin ngayong nagpapatuloy ang ginagawang
imbestigasyon ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) Boracay sa nangyaring
pamamaslang sa isang empleyado ng LGU Malay.
Sa panayam ng himpilang ito kay PO1 Johnrey Montuerto ng SOCO,
at isa sa mga rumpispondi sa lugar kung saan naganap ang pagpatay kay Loreto
“Jun” Mendoza y Casimero 43-anyos ng Sitio. Bantud Manoc-manoc Boracay, sinabi
nito na blangko pa sila sa pagkakakilanlan sa suspek o sa mga suspek.
Ayon kay Montuerto, hindi pa umano malinaw ang motibo sa
pagpatay sa biktima kung saan nakatakda pa umano ngayong isailalim ang bangkay nito
sa otopsiya.
Sinabi din nito na ang mga nakuhang basyo ng bala ay
nakatakdang dalhin sa bayan ng Kalibo para sa mga pagsusuri.
Dagdag pa ni Montuerto, posibleng higit sa isa ang
pumatay sa biktima dahil sa dalawa umano na caliber ang ginamit sa pagpatay kay
Mendoza base sa nakita sa scene of the crime.
Nabatid na nangyari ang pamamaslang sa biktima alas-7 kagabi
sa Sitio. Tulubhan Brgy. Manoc-manoc isla ng Boracay at nagtratrabaho umano bilang isang
dog catcher.
No comments:
Post a Comment