Posted July 4, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay
Todo bantay umano ngayon ang Aklan Provincial Health
Office sa Kalibo International Airport sa pamamagitan ng Bureau of Quarantine Office
dahil sa banta ng MERS-CoV.
Ayon kay Aklan Provincial Health Officer II, Dr. Victor
Sta. Maria, kapag-mayroon umanong dumadating na eroplano mula sa Korea ay hindi
muna nila pinabababa ang mga pasahero dahil inaakyat pa umano ito ng personnel
ng quarantine.
Ito umano ay para matiyak nila kung may mga pasaherong
may-karamdaman at may sintomas ng nakamamatay na Middle East Respiratory
Syndrome –Corona Virus (MERS-CoV) gamit ang kanilang mga aparato para rito.
Kaugnay nito dapat umanong maging alerto at maging
mapag-matyag ang lahat dahil mayroon umano kasing direct flight ang probinsya
mula sa nasabing bansa.
Samantala, sinabi pa ni Dr. Sta. Maria na may mga
nakalaan namang ngayong scanner sa nasabing paliparan para tuloy-tuloy na
mamonitor ang mga pasahero lalo na ang mula sa Middle East kung saan nagsimula
ang nakakamatay na sakit.
Nabatid na tinatayang mahigit tatlumpung biyahe ng
eroplano ang lumalalapag sa Kalibo International Airport kada buwan mula sa
bansang Korea.
No comments:
Post a Comment