Pages

Thursday, January 29, 2015

Mga kunsumedor ng AKELCO, nairita sa extended power interruption ng NGCP

Posted January 29, 2015
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Nairita sa extended power interruption ng NGCP o National Grid Corporation of the Philippines ang mga kunsumedor ng AKELCO.

Inabot kasi ng pasado alas 8:00 kagabi ang hanggang alas 5:00 ng hapon lang dapat na power advisory ng AKELCO o Aklan Electric Cooperative kung saan apektado ang buong munisipalidad ng Malay kasama ang isla ng Boracay, munisipalidad ng Nabas, at Buruanga.

Lalo pang nairita at uminit ang ulo ng publiko dahil sa wala umanong sumasagot sa telepono ng Boracay Substation ng AKELCO sa kung anong oras babalik ang suplay ng kuryente.

Dahil dito, sinabi ni AKELCO Assistant General Manager for Engineering Engr. Joel Martinez sa kanyang text message sa himpilang ito na nag-extend pala ang NGCP ng kanilang operasyon nang hanggang pasado alas 7:00 ng gabi.

Napilitan tuloy na bumili ng krudo para sa kanilang generator ang ilang resort sa Boracay dahil sa hindi inaasahang schedule ng power interruption.

Apektado rin maging ang ilang boarding house sa isla dahil sa kawalan ng suplay ng tubig dahil din sa power advisory maging ang ilang laundry services at klinika.

Nabatid na naglabas ng power advisory kahapon ang AKELCO upang bigyang daan ang Petro Wind Energy Plant sa Nabas, Aklan subali’t hindi nila nasunod ang oras ng advisory.

No comments:

Post a Comment