Pages

Friday, September 05, 2014

Aklan Provincial Government, iginiit na naaayon sa batas ang pagtaas ng buwis sa probinsya

Posted September 5, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

May nakatakdang rally sa probinsya ng Aklan ngayong Setyembre hinggil sa pagtaas ng bayarin sa buwis.

Subalit, iginiit ng Aklan Provincial Government na naaayon sa batas ang pagtaas nito.

Ayon kay Provincial Assistant Administrator Gerick Templonuevo, ang  35% ng real property tax proceeds ay mapupunta sa mga proyekto ng probinsya, kung saan  40% din nito ay para sa munisipalidad at 25% naman sa mga barangay.

Dagdag pa nito na ang mga buwis na manggagaling sa mga real properties base sa isinasaad ng bagong Base Market Values ay mapupunta sa Special Education Fund (SEF).

Una namang ipinaliwanag ni Provincial Assessor Kokoy Soguilon na nakasaad sa Section 219 ng Local Government Code ng Republic Act No. 7160, dapat magkaroon ng General Tax Revision of Real Properties ang lokal na pamahalaan kada tatlong taon.

Samantala, ayon sa mga grupong salungat sa ipinasa ng Provincial Assessor Office at inaprobahan ng Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan na Tax Ordinance No. 001 series of 2014, “Excessive, unjust, unconscionable and confiscatory in nature” ang pagtataas ng 135 percent sa tax ng mga Class A na munisipalidad.

Ang aprobadong bagong schedule ng Base Market Values of Real Properties para sa 17 municipalities ay magiging epektibo sa Enero 2015.

No comments:

Post a Comment