Pages

Thursday, March 13, 2014

Bilang ng mga lugar sa Aklan na wala pang suplay ng kuryente, nasa 10 nalang - AKELCO

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Sampung mga Barangay nalang umano sa probinsya ng Aklan ang walang suplay ng kuryente makaraang manalasa ang super typhoon Yolanda.

Base sa datus ng Aklan Electric Cooperative (AKELCO) nasa 358 mula sa 368 na mga barangay sa Aklan na ang naibalik ang suplay ng kuryente.

Ayon kay AKELCO Assistant General Manager for engineering Engr. Joel Martinez, ang nasabing sampung lugar ay kinabibilangan lahat ng mga barangay sa bayan ng Libacao.

Samantala, kabilang sa mga pinagsusuplayan ngayon ng kuryente ng AKELCO ang 17 na munisipalidad sa probinsya gayundin ang bayan ng Pandan at Libertad sa probinsya ng Antique.

Dagdag pa ni Martinez ang Department of Energy at ang National Electrification Administration (NEA) ay nagbigay narin umano ng deadline na dapat sa pagtatapos ng buwan ng Marso ay mailawan na ang mga nasabing kabarangayan.

Napag-alaman na ang AKELCO ay nagsagawa ng rotational brownouts at power interruptions dahil sa mga sirang transmission lines kung saan patuloy na inaayos.

Nabatid na bago paman naitakda ang ibinigay na deadline sa AKELCO ay napailawan na ng nasabing kooperatiba ang mga lugar na naapektuhan ng bagyo maliban na lamang sa sampung barangay.

Matatandaang halos lahat ng poste ng AKELCO ay pinadapa ng bagyong Yolanda na higit na nakaapekto sa mga Aklanon dahil sa dalawang buwan na kawalan ng power supply.

Samantala, taos puso ring pinasasalamatan ng kooperatiba ang Task Force Kapatid ng NEA sa suporta at pagtulong nito upang maibalik sa normal ang suplay ng kuryente sa probinsya.

No comments:

Post a Comment