Pages

Saturday, February 22, 2014

Supply ng mga pangunahing bilihin sa Aklan, bumalik na sa normal - DTI

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Kung dati ay nagkakaubusan, bumalik na umano ngayon sa normal ang supply ng mga “noodles” at de-lata sa mga grocery stores at supermarket sa Aklan.

Ito ang sinabi ni Department of Trade and Industry (DTI) Aklan, Provincial Director Diosdado Cadena, Jr. makaraang manalasa ang bagyong Yolanda sa probinsya.

Aniya, ang presyo rin ng mga nasabing bilihin ay sumusunod na sa Suggested Retail Price (SRP) matapos na makuha ang Automatic Price Ceiling noong Enero a-onse, kung saan unang ini-utos ng gobyerno.

Matatandaan na ang mga nasabing produkto ang nangungunang mga pagkain na ipinamimigay sa mga naapektuhan ng mga nagdaang bagyo bilang relief goods.

Samantala, tinututukan naman ngayon ng nasabing ahensya ang presyo sa mga semento dahil nabatid na kaunti na lamang umano ang supply nito ngayon sa Aklan.

Napag-alaman kasi sa kanilang isinagawang pananaliksik na ang presyo ng semento ngayon sa probinsya ay nasa mahigit dalawang daan hanggang tatlong daang piso lalo na sa isla ng Boracay.

Umapela naman si Cadena sa publiko na humingi ng resibo sa mga pinagbibilhan ng mga nasabing produkto para magamit bilang ebidensya laban sa mga negosyanteng nagtitinda sa hindi tamang presyo.

Nakatanggap na rin umano kasi ng kautusan ang DTI Aklan sa kanilang Head Office na suriin ang presyo ng mga semento sa Aklan para malaman ang sitwasyon.

No comments:

Post a Comment