Pages

Monday, February 24, 2014

JS Prom dapat maging simple at hindi magastos, ayon sa DepEd Aklan

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

“Dapat maging simple at hindi magastos”

Ito ang gustong mangyari ng Department of Education o DepEd Aklan sa pagkakaroon ng JS Prom sa mga eskwelahan sa nasabing probinsya.

Ayon kay Mrs. Floradel Jamera, Sekretarya ni Schools Division Superintendent Dr. Jesse M. Gomez, gusto lang umano ni Gomez na ipagdiwang ito ng simple ngunit makabuluhan para hindi na rin mag-alala ang mga magulang at mga estudyante sa mga gastusin.

Aniya, may memorandum na ipinalabas si Dr. Gomez na kailangang sundin ng lahat ng mga School heads maging ang mga guro.

Dito nakasaad na kung magsasagawa sila ng JS Prom ay dapat sundin nila ang “no-collection policy”.

Nabatid naman na kung magsasagawa sila ng nasabing okasyon ay kinakailangan lamang nilang ipakita kung saan nagmula ang kanilang magagastos katulad ng mga donasyon.

Pabor naman sa DepEd na gawin nalang ito sa loob mismo ng paaralan kaysa sa magarbo at magastos na lugar.

Aniya, kung si Dr. Gomez lang ang tatanungin ay gusto nitong ipagpaliban ang JS para na rin sa kapakanan ng mga magulang ng mga mag-aaral na hanggang ngayon ay hikahos parin sa buhay at hindi pa napapagawa ang mga bahay na sinira ni “Typhoon Yolanda”.

Ang JS Prom ay isang tradisyon na inaabangang ng mga Junior -Senior high school student at karaniwang ginaganap sa buwan ng Pebrero at Marso taon-taon.

No comments:

Post a Comment