Ni Gloria Villas, YES FM Boracay
Posible umanong magkansela ng byahe ng mga bangka
ang Philippine Coast Guard (PCG) sakaling maging ganap nang bagyo ang Low
Pressure Area (LPA).
Ayon kay Boracay Sub-station Commander Chief Petty
Officer Arnel Sulla.
Maging sila ay binabantayan din umano ang nasabing
namumuong sama ng panahon na anumang oras ay magiging ganap na bagyo.
Bagamat ipinaliwanag din nito na batay sa
alituntunin na kanilang sinusunod, kapag nasa Storm Signal No. 1 umano ang
bagyo ay maaari paring payagan na bumyahe ang isang bangka pero may mga
kondisyon.
Isa na rito ay depende sa sitwasyon ng alon na kung
sa tingin naman ng Coast Guard ay maaaring makapaglayag at dapat nasa 50
percent lamang umano ang pasahero ng bangka.
Samantala, sinabi naman ni Sulla na dapat manatiling
nakatutok sa telebisyon at radyo ang mga mamamayan para sa mga update at
sitwasyon ng bagyo.
Huling nabatid sa ulat ng Philippine Atmospheric
Geophysical and Astronomical Services Association (PAGASA), na bukas ng gabi ay
magiging bagyo na ang LPA at inaasahan na tatawid sa mga isla sa Visayas kung
saan makaka-ipon na umano ito ng lakas.
Kung tuluyang mabuo bilang tropical depression, ito
ay tatawagin nang “Agaton,” na syang kauna-unahang bagyo ngayong 2014.
Huli namang namataan ang sentro ng LPA sa layong
100 kilometro sa silangan ng Borongan, Eastern Samar.
No comments:
Post a Comment