Pages

Saturday, August 17, 2013

Zest Air, sinuspinde dahil sa hindi pagsunod sa regulasyon ng CAAP

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Sinuspendi umano ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang operasyon ng Zest air dahil sa hindi pagsunod sa ipinatupad na regulasyon nito.

Base sa impormasyon, ilan umano sa nakitang paglabag ng CAAP ay ang kabiguang i-check ang aircraft logs, flight manifest at weather.

Gayon din ang hindi pagprisinta ng airman license habang nag-iinspeksyon ng rampa, sunod-sunod na kanseladong flights dahil sa kakarag-karag na eroplano, nagre-refuel kahit may nakasakay na mga pasahero, sobra-sobrang flight duty time at kawalan ng accountable manager ng airlines.

Kaugnay nito, inalmahan naman umano ng naturang pamunuan ng eroplano ang ipinataw na suspensiyon ng CAAP.

Ayon sa mga ito, sana umano ay binigyan sila ng sapat na panahon para sagutin ang mga inaakusa laban sa kanila.

Samantala, tiniyak naman ng tanggapan ng naturang company airline sa bayan ng Kalibo na aasikasuhin nila ang pangangailangan ng mga apektado nilang pasahero.

Hahanapan umano nila ang kanilang mga nagpa-book na pasahero ng ibang flight para hindi maantala sa kanilang mga biyahe.

Sa kasalukuyan ay patuloy namang kinukuha ng himpilang ito ang pahayag ng pamunuan ng Civil Aviation Authority of the Philippines ukol sa nasabing usapin.

No comments:

Post a Comment