Pages

Monday, August 12, 2013

Koreanong umano’y illegal gambling operator sa Boracay, arestado

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Naudlot ang pagsusugal ng limang kalalakihan sa Boracay, matapos arestuhin ng mga pulis noong madaling araw ng Sabado, Agosto 10, sa Brgy. Balabag.

Sa bisa ng Search warrant na nilagdaan ni Vice Executive Judge Hon. Elmo del Rosario ng Aklan Regional Trial Court 6, tuluyang naaresto ng pinagsanib na puwersa ng Aklan Public Safety Company, Provincial Intelligence Branch Operatives at Boracay PNP ang mga suspek na sina Park Soon Hee alyas Bobby Park, 58-anyos, isang Korean National na sinasabing may-ari ng Boracay Shopping Center, at umano’y operator ng illegal na sugal.

Kasama pang naaresto ng mga operatiba sina Michael Brillo, 25-anyos, ng Meycauyan, Bulacan, at Steve Tan, 24-anyos, ng Occidental, Mindoro; Chinese national na si Ting Yee, 29-anyos, ng Cebu City; Korean tour guide na si Chul Ho Lee, 36-anyos, ng Manoc-manoc, Boracay at isa pang Korean National na Kyubum Choi, 36-anyos, ng Malate, Metro Manila.

Ayon sa report ng Boracay PNP, nakumpiska sa aktuwal na paglalaro ng poker ng mga suspek ang calculator, mga poker chips at baraha, at pera na nasa ibat-ibang denominasyon.

Ang mga suspek at ang mga narekober na gambling paraphernalia ay kaagad dinala sa Boracay PNP, at kinalauna’y dinala sa Aklan Provincial Police Office para sa karampatang disposisyon.

Nabatid na matagal nang sinu-surveillance ng mga otoridad ang umano’y illegal na gawain ng mga suspek sa Boracay.  

No comments:

Post a Comment