Pages

Wednesday, June 19, 2013

Construction safety program ng DOLE, suportado ng LGU Malay

Ni Malbert Dalida, YES FM Boracay

Aminado ang Malay Municipal Engineer’s Office na kailangang magkaroon ng safety program ang mga contractor bago maaprubahan ang kanilang business permit.

Sa unang araw ng ginanap na Construction Safety Training ng DOLE noong ika-17 ng Hunyo, sinabi ni Malay Municipal Engineer Elizer Casidsid na nasa batas na kailangang sundin ng mga contractor ang hinihinging safety program ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Bago umano kasi magsimula ang isang construction ay dapat na i-comply o masunod ng mga ito ang nasabing requirement.

Maging sila umano sa LGU ay hindi magbibigay ng building permit, kapag walang approval ng DOLE.

Samantala, nabatid na ang Construction Safety Training ng DOLE ay sinimulan kahapon sa isang convention center sa Boracay, na dinaluhan ng mga LGU Antique, Iloilo, at Aklan.

Dumalo din ang mga contractors, safety officers, building officials at iba pang kinatawan ng DOLE Region 6.

Tampok sa nasabing training ay ang tungkol sa kaligtasan ng mga trabahador sa mga construction sites.

Suportado naman ng LGU Malay ang ibinigay na safety training ng DOLE, na magtatapos sa araw ng Biyernes.

No comments:

Post a Comment