Pages

Thursday, April 25, 2013

Suporta at tulong, ipinangako ng CHR sa mga Ati sa Boracay

Ni Peach Ledesma, YES FM Boracay

Patuloy pa rin ang magiging suporta ng Commission on Human Rights (CHR) sa mga katutubong Ati dito sa isla ng Boracay.

Ito din ang rason kung bakit ipinatawag ang Inter-Agency Dialogue na isinagawa kahapon sa Balabag Barangay Hall kasama ang ilang pambansang ahensiya, non-government organizations, at Boracay Ati Tribe Organization (BATO).

Sa panayam ng himpilang ito kay CHR Commissioner Victoria Cardona kahapon, sinabi nitong nakikita nilang marami nang isyung kinahaharap ang mga Ati na nakakapag-lagay sa kanila sa mga mahirap na sitwasyon.

Kasama na dito ang mga sunud-sunod na harassment na nararanasan ng mga katutubo, kawalan o kakulangan sa pagtanggap ng serbisyo o suporta mula sa ibang ahensya, at karunungan o impormasyon sa mga legal na aspeto.

Ilan pa sa mga hinahanapan nila ng mabilis na solusyon sa ngayon ay ang naging daing ng mga katutubo na hindi umano sila nabibigyan ng karampatang suporta ng LGU Malay at ang dinaranas nilang hirap sa pag-a-avail sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) o Conditional Cash Transfer (CCT) Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Dahil dito, nangako si Cordova na ipagpapatuloy nila ang kanilang mga binitiwang salita na patuloy na tutulungan ang mga Ati sa islang ito.

Kaugnay nito, on process na sa ngayon ang kanilang pnalo na magtayo ng kanilang opisina dito sa Aklan upang mas mapadali ang pagbibigay serbisyo sa mga Ati at sa mga naghahanap ng tulong para sa may mga kaso ng pag-labag sa karapatang pantao.

Isa sa mga problemang kinahaharap sa pagbibigay ng serbisyo ay ang layo ng kanilang opisina na nasa Iloilo pa, at ang minsan ay kakapusan ng funds kaya’t nadi-delay ang kanilang operasyon lalo na sa mga malalayong lugar tulad na lang ng Aklan at Boracay.

Samantala, siniguro ng CHR Commissioner na malapitan nilang imo-monitor ang kaso ng pag-paslang kay Dexter Condez na sa ngayon ay nasa prosekusyon na para mapabilis ang pagkaka-lutas nito.

No comments:

Post a Comment