Pages

Saturday, April 13, 2013

Sec. De Lima, bumisita sa Ati Village sa Boracay

Ni Christy Dela Torre, YES FM Boracay

Labis na ikinatuwa ng mga Ati sa Sitio Lugutan, Brgy.Manoc-Manoc, ang pagdalaw ni Department of Justice Secretary Leila De Lima sa kanilang komunidad kahapon.

Ang naging layunin ng pagpunta ni De Lima sa nasabing lugar ay upang alamin ang tungkol sa pagkamatay ng Ati Spokesperson na si Dexter Condez at ang lupa na kinatitirikan ng mga bahay ng mga Ati doon.

Sa pambungad na pahayag ni Sec. De Lima, sinabi nitong kasalukuyang nasa preliminary investigation ang kaso ni Dexter.

Ipinaliwanag ni De Lima na magkakaroon ng hearing ang mga piskalya kung may probable cause ang pagkamatay nito,dito malalaman kung may kremin at kung sino ang dapat na papanagutin.

Kung sakali aniyang may malaman o mapatunayan sa imbestigasyong kanilang gagawin ay kanila itong ipa-file sa Korte.

Ipa-“fast track” daw nila o mamadaliin ang prosesong kanilang gagawin, pero nabanggit nito na malapit nang ma-resolve ang kaso ni Dexter.

Sa ginawa nitong pagdalaw sa mga Ati, ay nagkaroon din ng tanong-sagot sa pagitan nina De Lima at ng mga Ati.

Hindi din napigilan ng mga ito na ilabas ang kanilang hinanaing sa mga taong may kinalaman sa pagkamatay ni Dexter, maging ang kanilang sama ng loob sa LGU.

Pagdating naman sa lupa, ayon kay De Lima, ay nasa korte na ito at nakikipag-ugnayan na lamang sila sa Regional Trial Court sa Kalibo.

Bukod dito, nagbigay din pag-asa sa mga Ati, hinggil sa mga inihayag ni De Lima na mahigpit nilang mimonitor ang kaso ni Condez maging ang sitwasyon sa lupa ng mga ito.

Ang kaniyang pagdalaw umano sa mga ito, ay isang paraan din na maiparamdam sa mga Ati doon na alam ng DOJ ang nangyari sa kanilang spokesperson at ang mga problemang kanilang nararanasan at kinakaharap.

Sinabi pa nito na sa susunod na linggo ay kaniyang ipag-uutos sa mga prosecutor na ipasa na ang resolusyon ukol dito nang sa ganun ay mapadali ang pag-resolve sa kaso ni Dexter Condez.

Si De Lima ay dumating sa isla ng Boracay upang bisitahin ang Ati Community, kasama ang iba pang miyembro ng piskalya.

No comments:

Post a Comment