Pages

Wednesday, March 13, 2013

NTC, magbibigay ng General Amnesty para sa mga di-rehistradong radio equipment ngayong taon

Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Magandang balita sa mga gumagamit ng mga di rehistradong radio equipment.

Magbibigay ngayon ng general amnesty ang NTC o National Telecommunications Commission para sa taong ito.

Nabatid sa inilabas na press release ng NTC na sinimulan nila ang pagbibigay ng nasabing amnestiya sa Region 6, sa Roxas City, Capiz, noong ika-11 ng Marso, taong kasalukuyan.

Kahapon ay naka-iskedyul sila sa San Jose, Antique, at Kabankalan City, Negros Occidental, habang ngayong araw naman ang sa bayan ng Kalibo.

Samantala, ang NTC Team ay tatawid dito sa isla ng Boracay sa darating na araw ng Huwebes, ika-14 ng Marso para din sa nasabing layunin.

Sa nasabi ring iskedyul ay tatanggapin ng NTC ang pagpaparehistro ng VHF/UHF radio portable, VHF/UHF Mobile/Base, HF Radio Equipment/VHF/UHF repeater, WDN Central Base Outdoor Equipment, WDN Subscriber/Remote Outdoor Equipment, at Microwave/Multi channel Radios.

Maliban sa pagpaparehistro, tatanggap din sila ng mga magpaparenew ng mga expired na lisensya ng mga istasyon ng radyo, at magbibigay ng seminar sa tamang paggamit ng radio transceivers.

Ang mga nagtitinda naman at nagre-repair ng mga cellular phones ay bibisitahin din ng NTC, para sa ilalarga nilang mobile licensing.

Ang NTC o National Telecommunications Commission ay isang ahensiya ng gobyerno sa ilalim ng Commission on Information and Communications Technology na siyang may hawak sa lahat ng telecommunications services sa buong bansa.

No comments:

Post a Comment