Pages

Tuesday, March 05, 2013

Nagpakilalang “health director”, tiklo matapos tangkaing mang-shoplift sa isang pamilihan sa Boracay

Ni Peach Ledesma, YES FM Boracay

Pagpapakilala bilang isang “health director” ang ipinang-pain ng isang babae para makapang-biktima at makapang-gancho sa isang pamilihan sa Boracay.

Kinilala ang suspek na si Eden Bersaba, singkwenta’y siyete anyos, at residente ng Sitio Mangayad, Brgy. Manoc-manoc.

Sa reklamong ipinarating ng complainant na may-ari ng isang tindahan sa Brgy. Balabag, namataan na naman umano nila kaninang bandang alas-tres kwarenta’y-singko ang suspek na may hawak na bote ng mayonnaise.

Una na kasi silang nabiktima ni Bersaba noong ika-dalawampu’t-pito ng Pebrero kung saan nakapag-“take out” siya ng mga grocery items na nagkakahalaga ng tatlondaang piso matapos na magpakilala bilang “health director” ng grocery store.

Upang hindi na maulit ang nasabing insidente, inunahan na ng may-ari ng tindahan ang suspek na tawagin ang pansin ng isang pulis na nasa nasabing area na upang mag-report.

Nang damputin ng mga pulis, pinanindigan ng suspek na siya ay isang medical staff.

Kinuwestiyon pa nito ang kapulisan kung bakit siya inaresto.

Sa ginawang pagbi-beripika ng mga kapulisan ay lumalabas na wala siyang record bilang isang medical practitioner.

Sa ngayon ay dinala ang suspek sa Don Ciriaco S. Tirol Hospital o Boracay Hospital para sumailalim sa medical assessment at mental check up.

1 comment: