Pages

Saturday, March 16, 2013

Malay Police Station may bagong hepe na

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

May bagong hepe na ngayon ang Malay Police Station.

Epektibo nitong Miyerkules ika-13 ng Marso ng taong ito ay pormal nang pinalitan ni S/Insp. Reynante Jomocan si Insp. Mark Cordero sa designation nito bilang hepe ng Malay Pulis.

Nabatid na dahil sa over staying na rin umano sa bayan ng Malay si Cordero, kaya na-relieve ito.

Pero, hindi naman kinumpirma ni Cordero kung ano ang rason ng pagkaka-relieve nito.

Aniya, hindi muna siya magkukomento hinggil sa rason at nakasaad sa kaniyang relieve order.

Sa ngayon ay nasa Aklan Police Provincial Office muna si Cordero at hindi pa umano nito alam kung saang departamento sa APPO siya maa-assign.

Si Cordero ay nagsilbing Hepe ng Malay Pulis simula noong ika-7 ng Marso taong 2011, kung saan mahigit dalawang taon na rin ito sa nasabing bayan.

Kung maaalala, una nang sinabi ni Aklan Police Provincial Director S/Supt. Pedrito Escarilla sa panayam ng himpilang ito na hindi pa tapos ang pagrere-assign o balasahan sa mga hepe ng pulisya sa Aklan para sa nalalapit na May 2013 elections.

Pero kung tutuusin ay wala naman umano talagang katapusan kung balasahan ang pag-uusapan dahil normal naman sa kanilang Kapulisan, pero ang pagkakare-leave umano sa mga ito ay may mga rason naman.

Bilang mensahe ni Cordero sa mga Malaynon, kooperasyon at suporta sa bagong hepe ang hiling nito.

Samantala, ang bagong Hepe naman na si Jomocan ay nagmula sa provincial headquarters office at nagsilbing hepe na rin sa bayan ng Lezo  hanggang nitong unang bahagi ng taon at naging opisyal sa Aklan Public Safety Company.


1 comment: