Pages

Wednesday, January 09, 2013

Boracay, hindi gaanong apektado ng Sin Tax Law

Ang alak ay isa sa mga itinuturing na "sin products" na napasama sa mga pinatawan ng mas mataas na presyo dahil sa pagsasabatas ng Sin Tax Bill noong Disyembre 2012.
(image from uscdhaka.aeaportal.com/)
Hindi naman ganoon kalaki ang epekto ng Sin Tax Law sa mga turista dito sa Boracay.

Ito ang naging pahayag ni Boracay Foundation Inc. (BFI) President Dionesio “Jony” Salme nang kunan ng pahayag tungkol sa usaping ito.

Ayon kay Salme, hindi ganoon kalaki ang epekto ng Sin Tax Law sa mga pumupunta dito sa isla, lalo na sa mga foreign tourists.

Dahil kung ikukumpara umano ang presyo ng alak at sigarilyo ng ibang bansa sa presyo na mayroon dito sa Pilipinas ay di hamak na mas mahal ang presyo ng mga tinaguriang “sin” products ng ibang lugar.

Sinabi din nito na ang mas maaapektuhan ng nasabing bagong batas ay ang mga lokal na konsyumer dahil sa pagtataas nga ng presyo ng sigarilyo at alak.

Ngunit naniniwala si Salme na sa huli ay magiging mabuti pa nga ito sa kalusugan ng mga naninigarilyo at mga manginginom dahil mababawasan na ang bisyo ng mga ito dahil sa pagmamahal ng mga nasabing produkto.

Dahil dito, personal din na pumapabor si Salme sa pagsasabatas ng Sin Tax Bill.

Matatandaang pinirmahan ni Pangulong Benigno Aquino III ang Republic Act No. 10351 o ang Sin Tax Bill na naging daan upang ito ay tuluyan nang maging batas, kung saan taon-taon ay magkakaroon ng pag-taas sa presyo ng mga “sin “ products tulad ng alak at tabako.

Ito ay sa kabila pa rin ng pagtutol ng ilang tobacco farmers at wine and spirit distillers. #pnl012013

No comments:

Post a Comment