Pages

Saturday, November 10, 2012

Pag-gala ng mga komisyuner sa front beach ng Boracay, balak nang wakasan

image from
http://www.flickr.com/photos/turquoisetravelasia/4138186928/

Aminado ang Department of Tourism sa Boracay na maraming reklamo silang natatanggap hinggil sa mga komisyuner sa front beach.

Bagamat mga berbal na reklamo ito at hindi written, ayon kay DOT Boracay Officer in-Charge Tim Ticar, hindi nila isinasawalang bahala ang bagay gaya nito.

Maraming na umano silang natatanggap na reklamo mula sa mga turista, kabilang dito ang pangha-harass sa mga naglalakad-lakad na mga bisita sa beach at pang-iistorbo sa mga ito.

Ang masaklap pa umano dito, may mga nagrereklamo na rin sa kanila tungkol sa umano ay hindi na nagpapakita ang ilan sa mga komisyuner matapos makuha ang bayad mula sa mga turista makaraang makipagtransaksiyon para sa iba’t ibang water sports activities.

Maliban dito, ang ibang reklamo din ay hindi kinukompleto ang serbisyo sa kabila ng tamang bayad sa ilang komisyuner.

Ganoon pa man, nag-usap na rin umano sila ni Wilson Enriquez ng Tourism Regulatory Enforcement Unit o TREU kaugnay dito at kung paanong mabigyang solusyon ang problema.

Dahil dito, nasa plano na rin ng LGU Malay at kabilang sa pinag-usapan nila na gawing “color coded” at de numero ang uniporme ng mga komisyuner para malaman kung saan at kung anong establishemento ang mga ito nabibilang.

Dagdag pa ni Ticar, balak na umano ngayong ilagay na lamang sa iisang lugar sa tatlong boat station ng Boracay ang mga ito.

Kung saan maglalagay ng kani-kanilang mesa ang bawat sea sport operator para doon na lang makipagtransaksiyon na hindi na kailangan pang pagala-gala ang mga ito sa beach line.

Pero nilinaw ng DOT Office na hindi aalisin ang mga ito sa front beach, dahil bahagi na rin ng turismo ang iba’t ibang aktibidad sa Boracay.

Layunin lamang aniya nito ay upang maging organisado na ang lahat. #ecm112012

No comments:

Post a Comment