Pages

Friday, November 16, 2012

Boracay, posibleng maging taguan ng mga kriminal

Aminado ang Boracay Police na hindi talaga maiiwasan na maging taguan ng masasamang indibidwal ang isla ng Boracay.

Ayon sa hepe ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) na si P/S Insp. Jeoffel Cabural, hindi ito imposible dahil sa pagdami ng mga turistang pumapasok sa isla mula din sa iba’t ibang lugar.

Kaya hindi rin umano nalalaman kung sino sa mga ito ang mga nagtatago at may pananagutan sa batas.

Dahil dito, nananawagan si Cabural sa mga pamilya ng mga nabiktima ng anumang krimen na ang salarin ay hindi pa nahuhuli, na magbigay umano ng kopya ng larawan o anumang impormasyon tungkol sa mga taong ito sa BTAC, upang mapasama sa mga dapat tutukan ng awtoridad sa isla.

Tulad na lamang umano sa nahuli nila kagabi na may kasong “illegal recruitment” na si Mayflor Tingson ng Dingle, Iloilo, kung saan dahil umano sa ibinigay na impormasyon sa BTAC ay nahulog sa kamay ng awtoridad.

Makaraang itong arestuhin sa bisa ng warrant of arrest ay hindi na ito pinahintulutan pang makapagpiyansa sa kasalukuyan dahil sa bigat ng krimen na ginawa.

Nabatid na ang suspek na nahuli ay nakagawa ng krimen nitong nagdaang taon sa Pasay City kung saan doon makikita ang kanilang opisina.

Bunsod nito, sila umano sa BTAC ay gagawin ang lahat para mahuli ang mga indibidwal na naririto sa isla para magtago.

Malaking tulong din umano kahit ang maliit na impormasyon na ibinibigay sa pulisya para sa pagkakahuli sa mga ito dahil gaano man aniya kahirap para sa awtoridad na hanapin ito sa isla dahil sa dami ng tao dito at labas pasok pa, pero sa kooperasyon ng mga residente, tinitiyak nito na mahuhuli din ang mga nagtatagong ito dito sa Boracay. #ecm2011

No comments:

Post a Comment