Pages

Wednesday, October 31, 2012

Mga tumandok na Ati sa Boracay, minamaliit

Namumuhay lamang ng simple kahit sinasabing kapos sa edukasyon, pero sinisikap umano ng mga Ati sa Boracay na sumunod sa batas o ano mang ordinansa dito.

Kaya kahit sa pagpapatayo nila ng kubo sa lugar o lupain na ibinigay na sa kanila, ay sinusunod parin umano nila ang ordinansa na kumuha ng permiso mula sa  barangay hangga’t maaari.

Ito ang inihayag ni Delsa Justo, Chieftain ng mga katutubong Ati sa Boracay, kaugnay sa problemang nararanasan pa rin ngayon, kung saan may uma-angkin parin sa lupang ibinigay na sa kanila ng gobyerno.

Isiniwalat din nito na tila wala namang paiki-alam ng lokal na pamahalaan kung para sa kabutihan ng mga katutubong kagaya nila ang pinag-uusapan.

Pero kapag nagkamali umano sila, gaya sa pagpapatayo ng kubo, ay sinisita agad.

Bagamat wala itong tinutukoy o nabanggit na tao kung sino, may pagkakataon din aniyang nakakarinig pa sila ng paghahamak.

Gaya na lamang aniya sa pagpaparehistro para makapagboto.

Kaya sila na lang umanong mga Ati din ang gumagawa ng paraan upang magkaroon ng sapat na kaalaman sa pagpaparehistro, at makatulong sa pamahalaan sa paraan ng pagboto.

Pero aminado ito na kapag dumating ang eleksiyon ay doon lamang sila napapansin at hinahakot pa ng sasakyan, ngunit kapag tapos na ang eleksiyon ay tila hindi na sila naaalala.

Kaugnay nito, kahit anong hirap ang dinadaanan ng mga ito sa isla sa pagsusumikap, hindi umano nila ito alintana, dahil silang mga katutubo ay nabubuhay lamang ng simple at tahimik.

Kaya hindi nila iiwan ang Boracay, dahil naririto na rin ang kabuhayan at lugar nila. #ecm102012

No comments:

Post a Comment