Pages

Wednesday, October 17, 2012

Kooperasyon ng mga bar owners sa Boracay hinggil sa implementasyon ng bar enclosure, iginiit ni Administrator Sacapaño

Malbert Dalida, News Director, YES! FM Boracay

Iginiit ngayon ni Island Administrator Glenn Sacapaño na kooperasyon ng mga bar owners ang kailangan sa istriktong implemenstayon ng bar enclosure.

Ito’y matapos iparating sa kanya ng himpilang ito ang pagkadismaya ng ilang turista nang mabitin sa pagpapa-party sa beach front station 1 hanggang hating-gabi.

Nagulat umano kasi ang mga ito nang pinatigil ng operator ng bar ang musika kahit naroroon pa sila at gusto pa sanang magsaya.

Dahil dito muling iginiit ni Sacapaño na tungkolin na ng mga bar operators na ipagbigay alam at ipaliwanag sa kanilang mga kustomer ang tungkol sa nasabing batas.

Nilinaw din nito na paglagpas ng alas dose ng hatinggabi at gusto mong bukas pa ang iyong bar, ay puwede naman basta’t wala nang pagpapatugtog, at walang maiistorbo.

At kung gusto mong magpatugtog pa, ay kailangang naka enclose o sarado na ang iyong bar.

Kaugnay pa rin nito, patuloy na naninindigan ang administrador na susunod ang lahat ng mga bar operators sa isla, lalo pa’t pirmado umano nila ang nakasaad sa nilalaman ng kasunduan sa nasabing bar enclosure.

Maaalalang nitong umaga ay naibalita rin sa himpilang ito na may ilang mga turistang taga Davao ang nadismaya nang ipinatigil ang kanilang pagsasaya sa pinaniniwalaan nilang “party place” hanggang madaling araw na isla.

No comments:

Post a Comment