Dalawang buwan na ang nakalilipas nang ipatupad ng lokal na
pamahalaan ng Malay ang bar enclosure sa Boracay.
May mga natuwa dahil pagsapit ng hatinggabi ay nakapagpapahinga
na mula sa ingay ng mga bar, lalo na ang mga ‘ika nga’y naghahangad ng tahimik
na bakasyon sa isla.
Subali’t taliwas naman ito sa isang grupo ng mga turistang
animo’y nabitin sa kanilang pagsasaya, nang mapansing itinitigil na ng operator
ang tugtugan.
Ilang mga taga-Davao ang nakapanayam ng himpilang ito na
naglabas ng kanilang pagkadismaya, nang matuklasang may ipinapatupad na bar
enclosure sa isla partikular na sa beach front.
Isang lalaking itinago lamang sa pangalang “Jess”, bente
siete anyos na negosyante ang umano’y nagulat, dahil ang sabi umano sa kanya ng
mga kaibigang nauna nang pumunta dito ay hanggang mag-uumaga ang tugtugan dito.
Iginiit naman ng kanyang kasama, na “party begins at twelve”.
Kaugnay nito, dismayado man ay nagsuhestiyon na lamang ang
grupo sa mga kapwa turista na sa susunod ay aagahan na lamang ang pagpunta sa
mga bar, para hindi mabitin.
Matatandaang nitong nagdaang buwan ng Agosto ay ipinatupad
ang bar enclosure dito sa isla dahil narin sa mga reklamong natanggap ng LGU
dulot ng mga maiingay na bar sa isla.
No comments:
Post a Comment