Ayon kay Elma Cahilig, Malay Commission of Election Officer,
sa kanilang tala mula noong taong 1997 hanggang nitong Setyembre a-bente nuebe
ng taong kasalukuyan ay nasa 25,644 na sa kabuuan ang bilang ng mga botante
dito sa munisipalidad.
Mula naman noong Agosto hanggang katapusan ng Setyembre ng
taong kasalukuyan, nasa isang libo at dalawangdaan sa mga bagong pa-tala ay mga
transferees mula sa ibang mga lugar.
Karamihan sa mga ito ay mga nakakuha na ng trabaho sa Malay
at Boracay, at dahil dito na nakatira ay nagpalipat na lang din ng kanilang
registration bilang botante.
Nasa walundaan at animnapu’t-pito naman ang mga unang beses
na gagamitin ang kanilang “right to vote” o mga bagong botante, habang
animnapu’t-dalawa ang mga aprubado na para sa reactivation ng pag-boto.
Sa ngayon, nasa limampu hanggang isandaang katao ang
nagsasadya sa kanilang opisina para magpa-register bilang botante at inaasahan
nilang sa mga susunod na mga araw ay madodoble pa ang bilang na ito.
Sa kabilang banda, sinabi din ni Cahilig na wala naman
umanong malalaking problema naranasan ang Comelec Malay pagdating sa
pagpaparehistro ng mga botante, maliban na lamang sa mga maliliit na problema
tulad ng pagpaparehistro ng ilang indibidwal na hindi naman residente ng Malay.
Samantala, mahigpit namang ipinag-bilin ng lokal na opisyal
ng Comelec sa mga nagpaplanong magpapatala bilang botante ng Malay na huwag
nang maghintay pa ng huling araw o deadline upang magpa-rehistro.
Nagpaalala din ito sa mga magpapa-transfer at mga bagong
aplikante na dapat ay nasa minimum na six months residency na ang mga ito sa
Malay at magdala ng kahit isang valid ID para sa pagkakakilanlan.
Para naman sa mga magpapapalit ng impormasyon sa kanilang
registration tulad ng apilyedo matapos magpakasal o maling ispeling ng kanilang
pangalan, magdala lamang ng marriage certificate o birth certificate.
Ang huling araw sa pagpapa-rehitso bilang botante ay
nakatakda sa ika-tatlumpu ng Oktubre ng taong kasalukuyan. #pl102012
No comments:
Post a Comment