Pages

Friday, August 17, 2012

Mga lumalabag sa bar enclosure sa Boracay, ipapatawag ni Administrator Sacapaño


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Halos mag-iisang linggo na nang ipatupad ang bar enclosure sa Boracay.

Subali’t sa halip ng pag-asang tutupad sa usapan ang mga bar owners at operators sa Boracay, ay may ilan pa rin umanong lumalabag.

Kung kaya’t dismayadong sinabi ni Boracay Island Administrator Glen Sacapaño na kanyang ipapatawag ang mga lumalabag na ito.

Kinumpirma umano kasi sa kanya ng mga taga-MAP o Municipal Auxiliary Police na hindi pa rin naglalagay ng sound proofing sa kanilang bar ang mga naisumbong na mga violators.

Nabatid na tuwing alas-12 ng hatinggabi ay nagpapatrolya ang mga MAP, at nagpapaalalang dapat ay wala nang ingay na lumalabas sa mga bar sa Boracay.

Kaugnay nito, sinabi ni Sacapaño na dapat magpaliwanag ang mga lumalabag sa kasunduan kung bakit hindi sila sumusunod, gayong tinanggap at pinirmahan nila ang MOA o Memorandum of Agreement mula sa LGU Malay.

Ang naturang bar enclosure ay inilarga nitong nagdaang Agosto a uno, sa pamamagitan ng isang memorandum of agreement ng alkalde ng Malay sa mga bar operators sa isla.

Nakasaad dito na dapat gawing sound proof na ang kanilang mga bars upang pagsapit ng alas dose ng hatinggabi ay i-enclose o isara na nila ito upang makapaglikha ng sobrang ingay na siya namang inirereklamo ng mga nagpapahingang turista. 

No comments:

Post a Comment