Dahil sa mga bagay na hindi mapagkasunduan ng Department of
Environment and Natural Resources (DENR) at lokal na pamahalaan ng Malay
kaugnay sa ilang batas at ordinansang ipinapatupad dito, hanggang sa ngayong ay
hindi pa rin na-aprubahan ang Comprehensive Land Use Plan (CLUP) ng Boracay.
Ito ang napag-alaman mula kay Malay Municipal Planning
Officer Alma Belijerdo sa panayam dito.
Aniya, dahil sa rasong ito, humingi pa ng tatlong buwan ang
Department of Tourism (DoT) na i-extend muna ang pag-aapruba sa CLUP ng
Boracay.
Ito din ay upang mabigyang linaw muna ang mga bagay na
komplikado sa bahagi ng LGU Malay at DENR dahil sa napansing mga sitwasyon sa
isla na hindi na akma sa kasalukuyan.
Ayon kay Belijerdo, hindi ito maaaprubahan ng Provincial
Planning Development Council hangga’t hindi pa nareresolba ang isyu.
Matatandaang ang CLUP na ito ay isinulong noon pang taong
2008 ng DOT, pero hindi maaprubahan dahil sa ilang mahahalagang isyu na
makakaapekto sa isla, dagdag pa ang mga ipinagbago sa mapa ng Boracay.
Ang CLUP ay siyang magsisilbing gabay sa anumang gagawin sa
isla upang makita sa mapa ang mga lugar na dapat at hindi na dapat i-develop,
para mabigyang solusyon ang problemang nararanasan sa islang ito.
No comments:
Post a Comment