Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay
Tinatayang umabot sa dalawang libong seedlings o punla ng
kahoy ang matagumpay na naitanim sa barangay Nabaoy, Malay, Aklan nitong
Sabado.
Ito’y matapos sama-samang akyatin ng pinagsanib na puwersa
ng Boracay Island Water, DENR-Cenro, mga pulis Boracay at Malay, barangay
officials ng Nabaoy, Yes FM at Easy Rock Boracay ang bundok ng nasabing lugar,
upang tamnang muli ng kahoy.
Kasama din ng iba pang grupo at indibidwal na nagmamahal sa
kalikasan, isa-isang inilipat ang mga punla sa inihandang butas sa lupa na
magsisilbing permanente nilang lugar.
Ayon pa kay BIWC customer service officer Acs Aldaba, ang
pagod nila sa paglalakad at pag-akyat sa bundok ng halos apat na kilometro ay
napalitan ng saya dahil sa naging matagumpay na aktibidad.
Ang mga punlang ito ay inilaan at inihanda ng DENR, Boracay
Water, at iba pang nag-ambag ng tulong upang mapalitan ang mga pinutol na
punong kahoy doon.
Tiniyak naman ni Aldaba na ang mga itinanim na punla ay
mabubuhay upang makatulong na maabot ang isang bilyong punong kahoy sa buong
Pilipinas na target ng DENR.
No comments:
Post a Comment