Pages

Wednesday, June 06, 2012

Mga nakaraan ng Boracay Tubi at BIWC, nakalkal


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Nakalkal ang mga dating nangyari sa pagitan ng Boracay Tubi at Boracay Water and Sewerage System (BWSS) na ngayon ay kilala na bilang Boracay Island Water Company (BIWC) sa pagharap sa Sangguniang Bayan ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) kahapon.

Ito ay makaraang ihayag ng TIEZA ang kanilang posisyon na hindi pagsang-ayon sa proposiyong pasukin din ng Boracay Tubi ang sewerage system at siphoning sa Boracay.

Subalit sa presentasyon ng representante ng TIEZA na si Atty. Guiller B. Asido TIEAZA, Corporate Secretary at Officer-In-Charge Office of the Corporate Legal Counsel, sa konseho kahapon, kinuwestiyon ng TIEZA ang National Water Resources Board (NWRB) dahil sa pagbigay nila ng permiso na makapagserbisyo ang Boracay Tubi gayong may umiiral na batas na isang water company lamang umano ang dapat na mag-bigay serbisyo sa isla.

Nakasampa din umano ngayon ang kasong ito sa Department of Justice (DOJ) at Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Dahil dito, ang miyembro ng konseho ay nagulat din sa isiniwalat na ito ng TIEZA lalo pa nang mabatid mula kay Boracay Department of Tourism Officer Judith Icutanim na ang operasyon lamang diumano ng Boracay Tubi ay temporary o pansamantala lamang at may kondisyon pa na kapag maaayos at masolusyunan na ng dating TIEZA na dating kilala bilang Philippine Tourism Authority (PTA) ang water supply at sewerage sa Boracay ay tapos na rin ang serbisyo ng Boracay Tubi.

Subalit ng tanungin ang TIEZA kaugnay sa kasunduang ito, maging si Atty. Asido ay hindi batid ang katulad na mga kondisyon.

At ang resulta: tila nagpantig ang tainga ng ilang miyembro ng Sanggunian dahil sa argumentong ito.

Bunsod nito, inawat na lamang ni Vice Mayor Ceceron Cawaling ang usapin kasabay ng paghiling na kung maaari ay huwag nang mag-ipitan at pagbigyan na lang sana ang Boracay Tubi sa kanilang operasyon at serbisyo sa isla, dahil gumastos din ang mga ito para sa nasabing negosyo.

Dagdag pa nito, wala naman sanang ganitong isyu sa Boracay kung inayos lang din ng isang water company at sewerage operator ang kanilang serbisyo dito.

Hindi rin naiwasan ni SB Member Wilbec Gelito na sabihin na kung may pagkukulang man sa pagkakataong ito kung bakit patuloy pa rin ang serbisyo ng Boracay Tubi sa isla, ito ay dahil may kakulangan at hinayaan naman din ng TIEZA o PTA ang nangyari, lalo na at matagal na ang operasyon ng nasabing water company sa Boracay.

No comments:

Post a Comment