Pages

Wednesday, May 09, 2012

Overpricing sa mga school supplies, pinaghahandaan na ng DTI Aklan

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Nakahanda na ang counter measure ng Department of Trade and Industry (DTI) Aklan upang maiwasan ang pananamantala at overpricing sa mga school supplies ng mga merkado ngayong season na naman sa pamimili ng mga magagamit sa pagbubukas ng klase.

Dahil dito, mayroon na umanong mga suggested retail price (SRP) na ihinanda ang DTI Aklan, ayon kay DTI Aklan Provincial Director Diosdado Cadena.

Ang aprubadong SRP ng DTI ay ipapamigay na aniya sa mga pamilihan upang anumang oras na gustong silipin ng mamimili ang aktuwal na presyo ng isang item ay may ipapakita ang mga establisimiyentong ito.

Samantala, nabatid mula sa Director na wala namang itinaas ngayon ang presyo ng mga school supplies.

Siniguro na din umano ng DTI na hindi kukulangin ang mga items na in demand ngayon.

Dahil dito, humiling sila sa mga manufacturers na magkaroon ng sapat ng supply at silipin din ang presyo ng kanilang mga produkto para maiwasan ang over pricing.

Samantala, sa mensahe nito para sa publiko, bagamat wala pa namang naiu-ulat na may produktong nakakapasok sa Aklan na komtaminado ng lead at iba pang mga kemikal na delikado sa mga bata.

Mariing pinaalalahanan ni Cadena ang mga mamimili na suriing mabuti ang mga bibilhing produkto, lalo na ang manufacturer ng produkto na maaaring mapanagot kung saka-sakali.

Kaya tingnan na lang umano ng mabuti kung sertipikado ito ng Bureau of Food and Drugs (BFAD).

Dapat din umanong maging maingat sa pamimili at piliin ang may kalidad at suriin maging ang mga pahina ng mga notebooks o bibilhing papel kung tama ang bilang nito, gayon din ang laman ng mga pangkulay at iba pang items. 

No comments:

Post a Comment