Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay
Sakaling ma-aprubahan ang bagong Cadastral Survey ng mga lupain sa Boracay ng Department of Environment and Natural Resources ay hindi umano ibig sabihin na hindi na ito pwedeng mahabol o hindi na pwedeng umapela pa ng mga lot owners.
Ayon kay Boracay CENRO Officer Mirza Samillano, mangyayari ito kung may sapat na dokumentong magpapatunay na ang claimant nga ang tunay na nagmamay-ari ng lupa.
Kahit pa umano may problema ito sa hugis, sukat, at lot number man, ay tatanggapin umano ng DENR kapag nanaisin nilang ipatama o ipabago ang nakasaad sa kadastro.
Sa mga nagtataka umano kung bakit nag-iba ang lot number ng mga ito, inihayag ng CENRO Officer na mag-iiba talaga ito dahil kapag naaprubahan na ang Cadastral magkakaroon na ng bagong lot number ang mga lupaing ito sa isla.
Samantala, aminado rin si Samillano na maliban sa mga problemang nabanggit, nabatid na rin umano nila ang hinanaing ng ilang lot owners nang ipresenta ng surveyor sa mga may-ari ang bahagi ng kanilang pagsisiyasat.
Ito ay dahil nagrereklamo umano ang mga ito na lumiit ang ilan sa mga propidad, samantala ang iba naman ay kinain na umano o nabawasan at napunta sa kalsada.
Bunsod nito, inihayag ni Samillano na hanggang sa ngayon ay tumatanggap pa ng correction mula sa mga lot owners ang surveyor na kinontrata ng DENR, upang maitama ang at maaayos ang nilalaman ng kadastro.
No comments:
Post a Comment