Pages

Friday, February 10, 2012

DPWH-Aklan, may solusyon na para sa landslide sa Nabas


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

“Coco Net Bio-Engineering Solution” ang nakitang sagot sa problema kaugnay sa soil erosion na nangyari sa Sitio Tulingon Brgy. Libertad sa Nabas na tumabon sa National High way kamakailan lamang, ayon kay Engr. Rory Laserna, Chief Engineer for maintenance ng DPWH-Aklan.

Ayon kay Laserna, ang Coco Net Bio-Engineering Solution ay siya umanong tutulong para ma-protektahan ang bundok mula sa pagkatibag at pagkahulog ng lupa at mga bato sa kalsadang ito na lubhang mapanganib sa mga dumadaan sa nasabing lugar.

Ang Coco Net Bio-Engineering Solution na ito ay tinatawag na “Slope Protection Program” ng DPWH.

Sinabi ni Laserna na kasalukuyan na umanong pina-plantsa ang “program of works” para sa proyektong ito, upang pormal na ring maisumite sa Central Office at mabigyan ng pondo.

Nabatid din mula kay Laserna na ang proyektong ito ay inaasahang aabot sa P2M para lamang sa area ng Tulingon.

Subalit ng matanong ang enhinyero kung kaylan ipapatupad ang nasabing proyekto, sinabi nitong hiling sana nilang magawa na ito sa loob ng taong ito ng 2012, ngunit naka-depende pa rin aniya kung kaylan sila bibigyan ng pondo.

Ang “Coco Net Bio-Engineering Solution” ay isang pangmatagalang solusyon at programa para protektahan ang bundok sa paraan ng paggamit ng coir o coco fiber, na inilalagay para takpan ang bahagi ng bundok na pinangangambahang bibigay, dahil sa kawalan ng vegetation.

Dahil sa ang coco fiber ay organic, inaasahang mas mabilis ang tubo o paglago ng mga pananim dito, na siyang makakatulong para maiwasan ang land slide.

Ang programang ito ng DPWH, ay siyang nakita nilang tugon upang hindi na maulit pa ang nangyaring pag-guho ng lupa ng tumabon sa National High Way rason para ma stranded ang mga biyahero. 

No comments:

Post a Comment