Pages

Thursday, January 12, 2012

P600.00 Garbage Fee na, may dagdag na P200.00 pa?!


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Halos isang linggo pa lang ang nakakalipas nang inihayag ni Punong Brgy. Lilibeth Sacapaño na tanging ang mga pamamahay lamang sa Boracay at boarding houses ang magbabayad ng P600.00 garbage fee, at ngayong buwan ng Enero ay sisimulang ipatupad kasabay ng pagkuha ng mga barangay clearance at ang magbabayad nito ay mga may-ari ng boarding houses ay kahit sino lang sa loob ng isang pamamahay na sakop ng Balabag.

Subalit marami naman ang nagulat ngayon dahil naniningil na ng P200.00 sa indibidwal o bawat empleyadong bilang garbage fee, maliban sa P50.00 barangay clearance na babayaran sa barangay.

Subalit sa panayam kay Punong Barangay Lilibeth Sacapaño, sinabi nitong ito ay dahil ito ay naging suhestiyon ito ng mga negosyante sa isla na gawain na lang itong indibidwal at ipataw sa empleyado o boarders sa halagang P200.00 sa isang taon, gayong nakakadagdag din naman ang mga ito ng basura sa isla.

Pero ang may pinanghahawakan naman umanong resibo na boarders na nagpapatunay na nakapagbayad ng P600.00 na garbage fee ang kanilang landlord ay hindi na sisingilin ng P200.00.

Sa kabilang banda, nang natanong ang punong barangay kung kaninong ordinansa ang ipinapatupad nilang ito, sinabi ni Sacapaño na ordinansa ito ng bayan at matagal na ito, pero ngayon lang naipatupad.

Ngunit kung iisipin, at base rin sa panayam kay SB Member Rowen Aguirre, hindi pwedeng maningil ang Barangay kung ordinansa ito ng bayan, sapagkat hindi na sakop ng kanilang hurisdiksiyon ang maningil.

Mariin namang ipinaliwanag ni Sacapaño na naipaabot na nila ito sa publiko sa pamamagitan ng pagpapatawag ng isang assembly meeting na kinatigan naman at ikinatuwa pa nga aniya nasasakupan nila dahil sa maaaring makatulong ito sa pag-asenso ng kanilang lugar.

Aniya, kinuwestiyon ng SB ang pangungulekta nila sapagkat hindi rin siguro umano alam ng konseho na napag-usapan na ito at kinakaltasan ang IRA ng Barangay ng 5% share ng LGU para sa usapang pangkapaligiran.

Samantala, naniniwala naman si Sacapaño na hindi mabigat ang P200.00 garbage fee kung tutuusin dahil bahagi lamang ito ng kanilang tulong sa naiko-contribute na basura ng mga boarders sa Boracay.

Magaan lang din aniya ang P600.00 at wala nang babayarang P200.00 ang isang indibidwal kung magkakaisa at mag-ambag ambag ang mga boarders sa isang boarding house, bilang kanilang share sa Barangay.

No comments:

Post a Comment