Pages

Monday, January 16, 2012

Mga dayuhang kumakayod pero walang working permit sa Boracay, hindi inaaksyunan ng Bureau of Immigration?


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

“Dehado na ang mga Pinoy, kasi nasulot na ng mga dayuhan ang hanap-buhay na para sana sa mga Pilipino.”

Ito ang dahil kung bakit hindi na nakapagpigil pa ang isang nagrereklamong si Jergil Suarez, isa sa mga master diver at negosyante sa Boracay, na uhaw sa mga kasagutan mula sa kinauukulan sa kabila ng kaniyang hayagang pagre-reklamo di umano sa Bureau of Immigration noon pa man.

Ayon kay Suarez, batay sa inilatag nitong hinaing sa himpilang ito ukol sa kaniyang obserbasyo sa mga dayuhang naririto sa isla at naghahanap buhay o mga resident alien sa Boracay mula sa iba’t ibang bansa, nagtatrabaho at nagnenegosyo umano ang mga ito dito sa Boracay na wala man lang kaukulang permiso at penalidad, na hamak na mas malayo kung ikukumpara sa buhay ng mga Pinoy na nagtatrabaho sa ibang bansa na kapag walang dukomento, pinapa-uwi o hinuhuli agad.

Una rito, inireklamo ni Suarez ang kawalan di umano ng aksiyon ukol sa problemang ito ng Bureau Immigration o BI, gayong ito sana ang trabaho nila, na magbantay at masigurong legal ang pagtira at pagtrabaho ng mga ito sa Boracay.

Masakit din aniya sa bahagi nito na ilang beses na rin nitong ni reklamo sa BI ang nakikita niyang iregularidad pero tila dedma lang aniya ito sa BI.

Sa halip ay sinasagot pa umano ito na kunan na lang niya ng litrato ang kaniyang nakikita at i-prisenta sa Immigration dahil pagod na rin umano ang BI sa kakakuha ng larawan, ayon sa alegasyon nito.

Isinatinig din ni Suaez na bakit hindi man lang hinahanapan ng kaukulang dokumento ang mga turistang ito, gayong ang ilang sa mga dayuhang ito, partikular ang mga master divers, ay walang Special Working Permit.

Aniya, batid nito na kailangan din ito sa turismo nang mas mapa-unlad ang serbisyo na siyang ibinibigay ng mga dayuhang ito.

Subalit, kung mabibigyan ng pagkakataon aniya, may sapat namang kakayahan ang mga Pinoy na naghahanap-buhay dito para makapagbigay ng serbisyo na angkop sa kailangan din ng mga turista, ngunit sa ngayon ay nasulot at napasok na ito ng mga illigal na dayuhan at tila hindi naman ito pansin ng BI.

Taon na rin umano ang nakalipas nang huling gumawa ng aksiyunan ng kawanihang ito sa mga suliranin ukol dito sa Boracay, subalit ngayon ay tila mas lumalala na ito.

Dahil sa presensiya ng mga alien residents na ito sa Boracay, sinabi ni Suarez na kakarampot na lang ang kinikita nila ngayon.

Kaya umaapela ito sa BI at lokal na pamahalaan ng Malay na sana ay mapansin din ang kanilang munti pero mahalagang obserbasyon o hinaing.

Dahil sa uhaw sa hinihinging aksiyon mula sa kina-uukulan, nais din ngayon ni Suarez  na sana, kahit pagbaba pa lang sa airport ng mga dayuhang ito, ay matanong agad at masilip ang mga dokumentong dala para mabatid kung ano talaga ang pakay ng mga ito sa Boracay, kung bakasyon nga ba talaga o negosyo.

Ang reklamo na ito ni Saurez ay ginawa ng huli dahil sa marami umano siyang nakikitang ng master diver sa Boracay na  pawang mga dayuhan, gaya ng German, Taiwanese, Korean at Chinese, na nagtatrabaho at may negosyo na walang dokumento, kaya itinuturing nitong illegal ang pamamalagi ng mga ito sa bansa. 

Aminado naman ang huli na tila nagdududa na ito sa kakayahan ng BI na gumawa ng aksiyon ukol dito dahil sa napagkakakitaan na ito at talamak na ang “pera-pera lamang sa loob ng Immigration sa Boracay”.

No comments:

Post a Comment