Pages

Thursday, January 05, 2012

Kalibo Ati-Atihan Products Expo 2012, target makahatak ng turista


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Naghahanda na ang Department of Trade and Industry (DTI) Aklan ng produktong tampok sa gaganaping Kalibo Ati-atihan Products Expo 2012 na magsisimula sa ika-siyam hanggang ika-labing anim ng Enero ng taong kasalukuyan.

Target ng Expo 2012 na ipakita at i-promote sa mga bisita, turistang dayuhan man o lokal ang mga produktong Aklanon, mula sa kagamitan sa bahay, pang-regalo, koleksiyon at hanggang sa mga process foods na siyang ipinagmamalaki ng probinsiya ito.

Ayon sa DTI Aklan, tampok sa nasabing expo ang mga likha ng dalawangpu’t-walong micro, small at medium enterprises, kung saan ang mga bagay na kasama sa exhibit ay mga gamit na gawa  sa kawayan, bariw, kahoy, abaka, pinya, papel at iba pang bagay na ginawa gamit lamang ang kamay mula sa mga materyales na organic.

Target din ng exhibit na ito na maging isa sa mga sentrong atraksiyon sa gaganaping Kalibo Ati-atihan Festival sa pag-diriwang ng Kapistahan ni Sr. Sto. Niño.

Matatandaang taon 2011 ay nagkaroon din ng Expo sa Kalibo Pastrana Park at dinumog naman ito ng mga turista, lalo na at ang mga ipinakita dito ay hindi lamang para sa mata, kundi ang mga bagay na ito ay ipinagbibili din.

Dahil dito, umaasa ang DTI Aklan at Kalibo Sto. Niño Ati-Atihan Foundation Inc. (KASAFI) na maging matagumpay uli ang expo ngayong taon sa suporta at pagtangkilik ng mga turista.

No comments:

Post a Comment