Pages

Wednesday, August 31, 2011

Pagpapabawi sa kaso ng BFI laban sa probinsya, ipinaliwanag ni Atty. Quimpo

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

“I-withdraw na lang ang kaso para hindi na tayo magkakahiyaan pa”.

Ito ngayon ang sinabi ni Atty Allen Quimpo, dating kongresista ng Aklan at tumatayong tagapag-payo ng pamahalaang probinsya, patungkol sa kasong ihinabla ng Boracay Foundation Incorporated (BFI) laban sa pamahalaang probinsyal kaugnay pa rin sa makontrobersiyang proyekto sa Caticlan: ang reklamasyon.

Paliwanag ni Quimpo, mas mabuting bawiin na lang ng BFI ang kaso dahil wala namang basehan ang kanilang mga alegasyon.

Ang pahayag na ito ng dating kongresista ay kasunod ng pag-amin nito na totoong hiniling ni Aklan Governor Carlito Marquez na bawiin ang kaso laban sa kanila lalo pa at hindi umano mapapatunayan ng BFI na may masamang epekto ang proyekto ito sa isla dahil sa mga resulta ng tatlong pag-aaral na ginawa sa Caticlan ng mga sayantipiko.

Ito, ayon kay Quimpo, ang rason ng paghihimok ng gobernador, dahil na rin sa kawalan ng basehan ng mga alegasyon ng mga stakeholders kaya dapat na bawiin na lamang ang kaso.

Pero sa kabila ng sinabing ito ng abogado, maaari umanong may maasahang settlement sa gitna ng probinsya at BFI, iyon ay kapag nag withdraw umano ang mga negosyanteng ito.

Samantala, mariin namang sinabi ni Quimpo na magkakaibigan pa rin sila ngayon ng BFI sa kabila ng kanilang kinakaharap sa kasalikuyan, gayong kasama at nagtutulung-tulungan umano sila sa pagpapa-unlad ng Boracay para sa ikakabuti ng isla.

No comments:

Post a Comment