Pages

Wednesday, August 31, 2011

LGU Malay, muling mangungutang


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Panibagong kasunduan sa utang o loan na naman sa isang bangko sa Bayan ng Kalibo ang papasukin ngayon ng lokal na pamahalaan ng Malay, batay na rin sa kahilingan ni Mayor John Yap.

Ito ay upang makabili ng dalawang bagong heavy equipment o backhoe na siyang gagamitin sa land fill ng Malay na makikita sa Brgy. Kabulihan.

Bagama’t walang halagang nabanggit sa konseho kung ilang milyon ang uutangin, napag-alaman naman mula sa Sangguniang Bayan na nagkakahalaga ng mahigit kumulang labingwalong milyong piso ang isa sa nasabing equipment.

Nabatid din ng Sanggunian ang kahalagahan ng mga heavy equipment na ito, at matapos ang mga pagdinig ay lubusan nang inaprobahan ang resolosyon, upang bigyang pahintulot ang Alkalde na pumasok sa kasunduan para makapag-utang.

Matatandaan noong taong 2010, ay umutang din ang bayan na ito ng milyun-milyong halaga, para gamitin sa proyektong land fill.

Samantala, tiwala naman ang konseho na mayroong sapat na mapagkukunan ang lokal na pamahalaan ng Malay para makapag bayad sa uutanging ito.

No comments:

Post a Comment