Pages

Wednesday, March 20, 2019

SB Malay, aalamin ang kalagayan ng mga “Kabog” sa Boracay

Posted March 20, 2019
Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST BORACAY NEWS DEPARTMENT

Photo (C) FFF Boracay
Magpapatawag sa susunod na linggo ng Committee Hearing si Sangguniang Bayan Member Nenette Aguirre-Graf para pag-usapan ang kritikal na kalagayan ng mga “fruit bats” o kabog sa Yapak Boracay.

Nababahala si Graf sa kumukunting populasyon ng tinaguriang flying farmers o kabog dahil sa lumiliit nilang habitat area sa lugar.

Ayon pa sa konsehala, ikina-alarma rin ito ng Friends of Flying Foxes o FFF dahil kapansin-pansin na hindi na ganoon karami ang numero na dati ay umaabot sa libo-libo na nakakumpol at nagsisiliparan sa buong isla ng Boracay.

Iginiit nito na nakakalungkot na hindi pa rin alam ng ibang tao ang kahalagahan ng kabog sa isla na siyang tumutulong para ma-preserve ang gubat at nagpaparami ng punong kahoy doon.

Ayon sa Friends of Flying Foxes o FFF, ang mabilis na development sa Yapak at ibang bahagi ng isla ang isa sa nakikitang dahilan kung bakit nagsisilayasan na ang mga fruit bats.

Hindi rin daw malayo na pati ang mga unggoy sa lugar ay mawawalan na rin ng matitirhan kung magtutuloy-tuloy ang pagwasak sa kagubatan dahil sa mga developments.

Sa kanilang obserbasyon, nasa “critical habitat” at “endangered” na ang specie ng kabog na ito na kung tawagin ay Golden Crowed Flying Fox (Acerodon jubatus).

Kaugnay nito, tatalakayin itong usapin ng Committee on Laws, Ordinances, Rules and Privileges na pinamumunuan ni SB Jupiter Aelred Gallenero, Committee on Environmental Protection na hinahawakan ni SB Nenette Graf at Committee On Tourism Industry, Trade, Economic Enterprise and Cooperatives SB Dante Pagsuguiron.

No comments:

Post a Comment