Ni Inna Carol L.
Zambrona, YES THE BEST Boracay
Balak ngayon ng ilang opisyal ng Malay na mailipat ang
operasyon ng RoRo sa Caticlan Port sa bayan ng Buruanga.
Ito ngayon ang hiling at nais mangyari ni Malay SB Member
Nenette Aguirre-Graf upang mabawasan ang trapiko na nararanasan sa Barangay
Caticlan.
Ayon sa konsehala, nagpapasikip sa daloy ng trapiko ang
mga malalaking cargo trucks na bumababa mula RoRo Vessel na ang ilan umano ay
may karga pang livestocks maliban pa sa mga provincial bus na patungong Iloilo.
Ayon kay Vice Mayor Abram Sualog, nag-usap na umano sila
ng Buruanga Mayor Concepcion Labindao at sinang-ayunan daw nito ang paglipat ng
operasyon ng RORO sa kanilang bayan.
Kaugnay nito, pinayuhan ni Sualog si Graf na gumawa ng
resulosyon sa Philippine Ports Authority o (PPA) na pabilisin ang konstruksyon
ng port sa Buruanga upang mapabilis ang paglipat nito.
Samantala, kung si SB Member Fromy Bautista ang
tatanungin, hindi pa umano handa ang Buruanga na tanggapin ang operasyon ng
RoRo dahil wala pa silang port at ito ay magtatagal pa ng ilang taon bago
matapos.
Suhestyon ni SB Member Dante Pagsuguiron, suriin muna ang
kalidad ng tubig-dagat sa Caticlan at epekto nito sa patuloy na pagdaong ng
malalaking barko.
Ang operasyon ng RORO ay nasa mismong Caticlan Jettyport
kung saan entry point din ng mga turistang pumapasok sa isla ng Boracay.
No comments:
Post a Comment