Pages

Wednesday, April 05, 2017

Road Construction sa West Cove, muling pinag-uspan sa SB Malay

Posted April 5, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES FM Boracay

Nagharap-harap sa Sangguniang Bayan ng Malay ang mga kinatawan EMB-DENR Region 6, PENRO Aklan, mga LGU Officials at si West Cove Manager Ben Hur Mobo para sagutin ang isyung kinasasangkutan ngayon ng West Cove Resort sa Boracay.

Sa ginanap na 12th Regular Session ng SB Malay, ipinaliwanag ni Atty. Remar Neil Pascua ng EMB- DENR Region 6 na sa kasagsagan ng kanilang Technical Conference ay nabanggit na umano ni Mobo na ititigil na nila ang konstruksyon ng umano’y kalsada doon sa beachline ng lugar.

Bilang tugon dito, ani Mobo naglagay sila ng Retaining wall matapos ang demolisyon na naganap noong taong 2012 kung saan nagbigay umano ito ng sulat sa Brgy. Captain ng Yapak, sa Kapitang ng Balabag at kay dating BRTF Glenn SacapaƱo para sa pagpapatag ng lugar dahil sa panahon ng habagat umano ang mga natitirang debris na nagsisislbing panganib sa mga turista.

Nagtataka naman si Zoning Officer Alma Belejerdo kung bakit patuloy pa rin ang kanilang ginagawang aktibidad dito matapos na wala silang business permit dagdag pa ang pagkansela ng Forest Land Use Agreement for Tourism Purposes o (FLAGT), wala rin silang municipal permit at ang isyu pa ngayon tungkol sa konstruksyon ng daan at ang reclamation area kung kaya’t patunay umano ito na sila ay nag-violate.

Sa pag-uungkat ni Vice Mayor Abram Sualog, inamin ni Mobo na wala silang permit sa ginagawang development doon.

Ayon naman kay Engr. Casidsid, nasa anim hanggang walong metro ang haba at aabot naman sa sampung metro ang lapad ng reclaimed area na halos tinambakan na ang puting buhangin ng beach area.

Suhestyon ni SB Gallenero na isara na lamang ang naturang lugar ng magka-alaman na kung sino ang magre-reklamo dito.

Samantala, napagkasunduan na kapag natapos na ang mitigating procedures na isinasagawa ng West cove ay isasara na ang nasabing lugar.

No comments:

Post a Comment