Pages

Thursday, January 22, 2015

SP Aklan, nagpatawag na ng pulong hinggil sa mga problema sa KIA

Posted January 22, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nagpatawag na ng pulong ang Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan hinggil sa umano’y mga problema sa Kalibo International Airport (KIA).

Ayon kay SP Secretary Odon Bandiola, kabilang sa mga ipinatawag ng mataas na konseho sa probinsya ang Manager ng Civil Aviation Authority (CAAP), KIA, at mga Land Transportation Groups.

Anya, ito ang mga pangunahing sektor na syang makakatulong upang masolusyonan ang mga problema at mabigyan ng aksyon ang reklamo ng mga pasahero sa nasabing paliparan.

Nabatid na ilan lamang sa mga reklamong nakarating sa atensyon ng SP Aklan ang kakulangan ng CR, siksikan sa arrival at departure area at sobra-sobrang paniningil ng pamasahe sa mga van.

Samantala, magugunita na nagpadala din ng sulat ang Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) Boracay kay DOTC Secretary Joseph Emilio “Jun” Abaya matapos mabahala sa sitwasyon ng Kalibo International Airport.

Kaugnay nito, patuloy pa rin umanong pinag-aaralan ng pamahalaang probinsyal ang problema sa nasabing paliparan.

No comments:

Post a Comment