Pages

Saturday, January 31, 2015

Pagtatrabaho ng ilang mga kabataan sa Boracay, ikinadismaya ng mga paaralan

Posted January 31, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Maituturing na paglabag sa Republic Act No. 7658 o batas na nagbabawal sa mga kabataang may edad 15 anyos pababa na pagtrabahuhin sila.

Ayon kay Lamberto H. Tirol National High School Teacher-In-Charge Val Casimero, kailangang e-educate talaga ang mga magulang ng mga bata tungkol sa isyu ng “Child Labor” lalo na’t nabatid na mismong mga magulang na rin umano ang nagpapatrabaho sa kanilang mga anak.

Anya, maliban sa magiging malaki ang maidudulot nitong epekto sa pag-aaral ng mga kabataan, maaari din umano itong paglabag sa batas tungkol sa Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Samantala, payo naman nito sa mga magulang na gampanan ang kanilang tungkulin bilang magulang na syang dapat magtrabaho at magtaguyod para kanilang mga anak at hindi ang mga anak na nasa murang edad ang magtataguyod sa kanila.

Nilinaw din ni Casimero na walang masama sa pagtulong ng mga kabataan sa kanilang mga magulang, subalit kailangan pa rin umanong pagtuunan ng pansin ang edukasyon ng mga ito lalo na’t nasa murang edad pa lamang para mas makatulong sa kanilang mga magulang.

Minsan daw kasi ay may mga kabataang pumapasok sa paaralan na pagod na habang ang iba naman ay inaantok dahil sa pagtatrabaho sa gabi.

Nabatid na karamihan sa mga batang ito ang makikitang naglalako ng mga bracelet at iba pa sa mga turista na kadalasang inaabot pa ng dis-oras ng gabi sa beach area ng Boracay.

No comments:

Post a Comment