Pages

Monday, December 15, 2014

Naaagnas na bangkay ng isang lalaki, nakitang palutang-lutang sa baybayin ng Boracay

Posted December 13, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Patuloy pa rin sa ngayon na inaalam ang pagkakakilanlan ng bangkay ng isang lalaki na nakitang palutang-lutang kahapon ng hapon sa baybayin ng Boracay.

Base sa blotter report ng BTAC, isang tawag ang kanilang natanggap mula sa staff ng isang resort sa So. Bolabog Boracay na nagsasabing may nakitang tao na palutang-lutang sa tubig sa harapan ng nasabing resort.

Sa pag-responde ng mga pulis, lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na nasa edad 30 hanggang 40 anyos ang bangkay na may suot na blue t-shirt at walang pang-ibabang kasuotan.

Sa panayam naman ng himpilang ito kay PCG Boracay Sub-station Commander Senior Chief Petty Officer Ronnie Hiponia, nabatid na nitong isang araw may natanggap silang ulat mula sa Sibuyan Romblon na may nawawalang mangingisda bago paman manalasa ang bagyong Ruby.

Ito naman ang tinitingnan sa ngayon at pinag-aaralan ng otoridad, kung posible nga na ang nawawalang mangingisda ang nasabing bangkay.

Samantala, kaagad namang kinuha ng Boracay Action Group at Boracay Coast Guard ang bangkay at dinala sa Prado Funeral Homes at inaantay pa kung sino ang kanyang pamilya.

No comments:

Post a Comment