Pages

Thursday, November 13, 2014

Aviation Police na nanutok ng baril sa isang menor de edad sa Kalibo, nakapagpiyansa na

Posted November 13, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nakapagpiyansa kahapon para sa kanyang pansamantalang kalayaan ang aviation police na si PO1 Noriel Policarpio sa kasong paglabag sa Republic Act 7610.

Nabatid na inaresto si Policarpio nitong nakaraang Lunes nang tutukan umano nito ng baril at pinalo ang 14 anyos na menor de edad sa bayan ng Kalibo.

Ayon kay Women and Children Protection Desk (WCPD) Senior Police Officer 1 Babylyn Daylusan ng Kalibo PNP.

Galing sa lamayan ang 14 anyos na binatilyo at ang kanyang apat na mga kaibigan at nagpahinga pansamantala sa isang waiting shed sa harapan ng carenderia mismo ni PO1 Policarpio.

Ilang sandali pa ay dumating umano ang nasabing pulis at sinita ang mga menor de edad sa dala nilang “baton sword”.

Kaagad namang inako ng bata na sa kanyang ama ang nasabing “baton sword” at kinuha lamang sa kanyang kaibigan matapos na hiramin.

Subali’t bigla na lamang umano siyang sinapok ni Policarpio sa batok, kinuha ang “baton sword”, saka kinuha din ang baril sa kanyang bag at kinasa sabay tutok sa mukha ng menor de edad.

Matapos na kunin ang “baton sword” ay kaagad naman umanong pinauwi ng pulis ang mga bata.

Samantala, hindi akalain ni Policarpio na sa Kalibo Police Station pala nagtungo ang mga ito at nagsumbong sa mga pulis.

Dahil sa i-prenesentang “medico legal” at pag-amin mismo ng pulis na sinaktan nito ang bata ay kaagad itong inaresto at ikinulong sa araw na nangyari din ang insidente.

No comments:

Post a Comment