Pages

Thursday, October 23, 2014

Ordinansa sa pagkuha ng litrato sa Boracay, mainit na pinag-usapan

Posted October 23, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Mainit na usap-usapan ngayon sa ilang social networking sites tulad ng Facebook ang ordinansa sa pagkuha ng litrato sa isla ng Boracay.

Komento kasi ng ilang netizens ay parang nawawala na ang kanilang kalayaan sa pagkuha ng mga litrato sa isla lalung-lalo na kapag sila’y nagbabakasyon rito.

Subalit, matatandaan sa kopya ng ordinansang ipinadala sa himpilang ito na ang tanging ipinagbabawal lamang ng nasabing ordinansa ay ang pagkuha ng litrato na syang gagamitin sa pagnenegosyo o trading.

Nakasaad sa Municipal Ordinance No. 203, S. 2003 na dapat kumuha ng Mayor’s permit ang mga mobile photographers sa LGU Malay kung kukuha ang mga ito ng litrato sa isla na gagamitin para sa pagnenegosyo.

Ayon sa Boracay Redevelopment Task Force (BRTF) ang nasabing ordinansa ay kailangan ding sundin ng mga foreigner na nagkakaroon ng mga aktibidad sa isla hanggat nakikitaan ito ng “trade purposes.”

Samantala, nilinaw naman ni Malay Municipal Tourism Chief Operation Officer Felix Delos Santos na nakasaad sa Section 3 ng nasabing ordinansa na para lamang sa mga aktibong mobile photographers ito at hindi kasama ang mga ordinaryong tao na kumukuha ng litrato sa Boracay para sa kanilang personal na interes.

Ang Municipal Ordinance No. 203, S. 2003 ay ipinasa noong October 15, 2003 at inaprobahan sa Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan noong November 19, 2003.

Kapag nakitaan ng paglabag ang isang professional na mobile photographer, pagmumultahin ito ng nasa 500 hanggang 1, 000 pesos at maaari pang suspendihin ang lisensya para sa kaukulang penalidad.

Sa ngayon ay patuloy na sa pag-iikot ang mga kasapi ng Municipal Auxiliary Police (MAP) at Tourism Regulatory Enforcement Unit (TREU) para sa pagpapatupad ng nasabing ordinansa.

No comments:

Post a Comment